Mika Reyes at home na sa Sta. Lucia Lady Realtors

Mika Reyes

MANILA, Philippines — Ilang linggo pa lang kasama ni middle blocker Mika Reyes ang Sta. Lucia Lady Realtors ngunit at home na ito dahil sa mainit na pagtanggap ng kanyang bagong kapamilya.

Hindi naman ikinakaila ni Reyes na nasa adjustment period pa rin ito. Malaki ang paninibago nito dahil bagong sistema at bagong mukha ang kanyang mga nakakasalamuha.

Subalit mas nagiging madali ang adjustments dahil sa magandang pakikitungo ng kanyang mga katropa.

Bukas na bukas si Reyes sa mga pagbabago at handa itong mahalin ang grupong magiging katuwang nito sa buong taon ng pakikipagsapalaran sa Philippine Superliga.

“Nakakapanibago talaga. Marami pang adjustments pero it’s time for me to learn and to grow (not only as a person but as a player also). Kailangan ko rin i-explore ang ibang bagay. Nagbukas ‘yung opportunity kaya kinuha ko, wala naman mawawala,” ani Reyes.

Tatlong taon ding namalagi si Reyes sa Petron.

Sa hirap at ginhawa, inalagaan ng Blaze Spikers ang dating De La Salle University standout.

Hanggang sa isang araw noong Enero, pumutok ang balitang lumipat si Reyes sa Sta. Lucia.

Sanay naman na si Reyes sa pagbabago.

Bahagi si Reyes ng F2 Logistics noong 2016 bago tumawid patungong Petron noong 2017 hanggang 2019.

“Thankful ako sa Petron dahil binigyan nila ako ng magandang experience,” ani Reyes.

Unti-unting binubuo ni Reyes ang koneksiyon nito kasama ang mga teammates partikular na ang setter na ngayon pa lang nito makakasama sa liga.

“Medyo nagkakapaan pa dahil marami sa kanila hindi ko pa naging teammates like ate Rubie de Leon at Djanel Cheng. Kaya kailangan pa mag-trabaho para magkaroon ng mas magandang chemistry,” ani Reyes.

Nasilayan na sa aksiyon si Reyes suot ang green jersey ng Sta. Lucia sa PSL Super Cup.

Show comments