SAN FRANCISC — Ibinigay ng Golden State Warriors si guard D’Angelo Russell sa Minnesota Timberwolves para makuha si forward Andrew Wiggins.
Nasambot din ng Warriors ang 2021 protected first-round draft pick at isang 2021 second-round pick ng Timberwolves na nakuha naman sina Jacob Evans at Omari Spellman.
Matagal nang naghahanap ang Minnesota ng point guard na itatambal kay center Karl-Anthony Towns, at ito ay sinagot ng Golden State sa katauhan ni Russell na kinuha bilang No. 2 overall pick noong 2015 draft matapos si Towns.
Nagtala ang 23-anyos na si Russell ng average na career-high 23.6 points per game sa una niyang season para sa Warriors, nakipag-trade sa Brooklyn Nets sangkot si Kevin Durant noong Hulyo.
Ibinuhos naman ni Wiggins ang kanyang six-year career sa Minnesota.
Siya ang first overall pick ng Cavaliers noong 2014 ngunit naging bahagi ng blockbuster trade na nagdala kay Kevin Love sa Cleveland.
May mga averages na 22.4 points at 5.2 rebounds per game si Wiggins para sa Timberwolves.
Samantala, nakumpleto ng Los Angeles Clippers, New York Knicks at Washington Wizards ang isang three-team trade na magdadala kina Marcus Morris at Isaiah Thomas sa Clippers.
Inilipat naman si Jerome Robinson sa Wi-zards, habang makukuha ng Knicks si Moe Harkless at isang 2020 first-round draft pick.
Plano ng Clippers na bitawan si Thomas.