MANILA, Philippines – Kinumpleto ng Pasay Voyagers ang playoff cast ng Chooks-to-Go MPBL Lakan Season North division matapos pulutanin ang Mindoro Tamaraws, 84-72, kamakalawa ng gabi sa Cuneta Astrodome.
Dumiretso ang Voyagers sa kanilang ika-17 panalo sa 28 laro at tuluyan nang sinarhan ng pinto ang Caloocan Supremos, may 15-14 marka matapos malasap ang 88-111 kabiguan sa San Juan Knights sa unang laro.
Bumida sina Jaypee Belencion, Achie Iñigo, Elmer Moradas, Raymund Ilagan at Jan Jamon sa pagtatala ng Pasay ng 38-18 abante patungo sa pagpapalasap sa Mindoro ng 9-19 baraha.
Tuluyan nang inangkin ng Knights, ang Datu Cup champion, ang top spot sa North division sa bitbit nilang 25-4 kartada kasunod ang Manila Stars (24-5).
Ang iba pang qualifiers sa hanay ng 16 teams sa North ay ang Makati (21-8), Pampanga (20-9), Bataan (19--9), Bulacan (19-10) at Pasig (18-11).
Samantala, tinalo ng Batangas City Athletics ang Bacolod Master’s Sardines, 63-54, para sa kanilang 17-11 marka papasok sa South division playoffs.