Nasa tamang direksiyon ang Mighty Sports
MANILA, Philippines — Palapit na nang palapit ang wala pang talo na Mighty Sports-Phi-lippines sa misyon nitong maging kauna-unahang koponan sa labas ng Middle East na mapagwagian ang prestihiyosong Dubai International Basketball Tournament.
Ito ay matapos silang makapasok uli sa semifinals nang dispatsahin ang Al Wathba ng Syria, 88-71 sa knockout quarterfinals kahapon ng madaling araw sa Al Shabab Al Alhi Club.
Nag-uwi ng bronze medal ang Mighty noong nakarang taon at may tsansa ngayong malagpasan iyon kontra sa AS Sale ng Morocco na naglalaban habang sinusulat ang balitang ito para sa upuan sa finals kagabi.
Kumpara sa mga nakaraang laban na pinangunahan nina resident import Renaldo Balkman at ex-Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche, ibang mga bayani ang nanaig ngayon para sa Alex Wongchuking-franchise sa pangunguna ni Mc-Kenzie Moore.
Nagposte ng 15 puntos si Moore na nakakuha ng suporta mula kina Jaime Malonzo, Juan Gomez De Liano at Thirdy Ravena. May 11 markers ang La Salle stalwart na si Malonzo habang tig-10 naman kina De Liano ng UP at Ravena ng Ateneo.
Malaking bagay ito para kay coach Charles Tiu lalo’t kakailanganin nila ng tulong mula sa local side sa hangad na maisakatuparan ang Dubai championship goal.
“We’re happy with the win but we haven’t achieved anything,” ani Tiu. “Our goal is to win the championship,”
Nauna nang tinalo ng Mighty ang UAE national team, Al Ittihad ng Syria, ES Rades ng Tunisia at Beirut Sports Club nang walisin nila ang Group B eliminations.
- Latest