MANILA, Philippines — Diretso sa semifinals ang gustong mangyari ng Mighty Sports-Philippines ngayon sa pakikipagsagupa nito sa Al Wathba ng Syria sa knockout quarterfinals ng 31st Dubai International Basketball Tournament ngayon sa Al Shabab Al Ahli Club.
Magsasalpukan ang dalawang koponan sa alauna ng madaling araw (Manila time) para sa tsansang makasikwat ng puwesto sa Final Four ng prestihiyosong annual invitational tourney sa sikat na UAE city.
Sasakay ang Philippine bet sa impresibong kampanya nito sa Group B preliminaries na winalis nila upang masungkit ang no. 1 spot sa quarterfinals.
Sa pangunguna ng tandem nina Andray Blatche at Renaldo Balkman, ginulungan ng Mighty ang apat nitong kalaban sa higit 10 puntos na winning margin. Dinale nila ang UAE national team, 88-82, Al Ittihad ng Syria, 77-72, Es Rades ng Tunisia, 84-66 at Beirut Sports Club, 91-77.
Subalit para kay coach Charles Tiu, mas malakas na performance ang kailangan nila ngayong win-or-go home quarterfinals kung nais nilang makamit ang kanilang goal.
Nangangarap ang Alex Wongchu-king-franchise na malampasan ang third place finish nito noong 2019 at maging kauna-unahang Dubai champion team sa labas ng Middle East.
‘Di naman basta-basta ang haharang sa kanilang daan papasok sa semis lalo’t ang Al Wathba lamang ang nakatalo sa reigning champion na Al Riyadi sa Group A eliminations.
Bagama’t nagtapos sa fourth seed upang malaglag sa laban kontra sa Group A top team na Mighty, ibinaon ng Al Wathba ang paboritong Al Riyadi, 88-67 para maging posibleng tinik sa Philippine contingent.
Babandera sa atake ng Syrian club ang mga lokal na manlalarong sina Zakaria Alhusain at Amer Alsati kasama ang mga solidong imports na sina Chris Daniels at Jeremy Couisnard.
Sinomang mananalo sa bakbakan ay haharap sa mananalo sa pagitan ng AS Sale ng Morocco at UAE national team habang maglalaban naman sa kabilang quarterfinal bracket ang Es Rades ng Tunisia at Hoops ng Lebanon gayundin ang Lebanese clubs na Al Riyadi at Beirut Sports Club.