MANILA, Philippines — ‘Di paaawat ang wala pang galos na Mighty Sports-Philippines sa tangka nitong pagwalis ng Group B kontra sa Beirut Sports Club upang maipormalisa ang top seed finish nito sa 31st Dubai International Basketball Tournament sa Al Shabab Al Ahli Club.
Tangan ang malinis na 3-0 kartada sa Group B, sasagupa ang Philippine representative sa Beirut SC ng Lebanon (1-2) sa alauna ng mada-ling araw (Manila time) upang masiguro ang no.1 spot papasok sa knockout quarterfinals ng 11-team Dubai tourney.
Halos naibulsa na ng Alex Wongchuking-franchise ang numero unong puwesto kamakalawa ng gabi nang tambakan ang dati ring walang talong Es Rades ng Tunisia, 84-66.
Kahit matalo nga-yon, top seed pa rin ang Mighty dahil mananaig ito sa Es Rades (3-1) sa kanilang two-way tie bunsod ng winner-over-the-other rule.
Sa kabila noon ay ayaw naman pakampante ni coach Charles Tiu lalo’t hangad nila ang magandang momentum at malinis na kartada para sa mas malaking tsansa sa pinakamababang ranggong koponan sa Group A.
“It’s a good win for us. But we need to sweep our group elims for better chances in the semis,” ani Tiu na may misyong magawang kauna-una-hang non-Middle Eastern team champion ang Alex Wongchuking-franchise sa taunang Dubai tilt.
Upang magawa ito ay sasandal siya sa mga lider na sina Renaldo Balkman at Andray Blatche na nagrehistro ng tig-18 markers sa limitadong aksyon lamang kontra sa Tunisian ball club.
Sa kabutihang palad, may aasahan na rin si Tiu na local support matapos ang pagpapasiklab sa wakas nina Thirdy Ravena at Juan Gomez De Liano.
Nakatakdang sumuporta sa mga Mighty main guns sina McKenzie Moore, Jelan Kendrick, Jamie Malonzo, Dave Ildefonso, Isaac Go, Beau Belga, Javi Gomez De Liano at Mikey Williams.
Sa kabilang banda, babawi naman ang Beirut Sports Club matapos ang 78-93 kabuguan sa UAE national team na sumubak sa kanila sa kontensyon para sa no.1 spot.
Pangungunahan nina world imports Jerom Johnson, Tony Hawkins at Elias Rustom ang Beirut na runner-up sa kampeon na Al Riyadi noong nakaraang taon.