MANILA, Philippines — Napatatag ng Arellano University Lady Chiefs ang pagkapit sa solong liderato ng team standings nang madaliang idispatsa ang San Beda University Lady Red Spikers via straight sets, 25-20, 25-21, 25-22, sa NCAA season 95 women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Bumanderang muli si Regine Arocha matapos magrehisto ng 18 points sa likod ng 13 attack, 3 aces at 2 kill blocks at may sahog pa itong 15 excellent digs para iposte ang malinis na 5-0 baraha sa torneo
Kumubra rin ng puntos ang defending champions mula kay Necole Ebuen na may 12 markers at 11 excellent digs sa kanyang pangalan, habang may 8 at 7 points naman sina Princess Bello at Carla Donato, ayon sa pagkakasunod.
Ipinaliwanag ni Arellano coach Obet Javier ang kahalagahan ng larong ito para sa kanyang tropa kaya’t tila nagising at nabuhayan ang mga players niya para bawiin ang pangit nilang laro noong Sabado kontra sa San Sebastian.
“Sabihin na lang natin na talagang nagising. Kasi ine-explain namin kung gaano kahalaga ‘yung game ngayon eh. Ang San Beda kasi wala pang talo,” sabi ni Javier sa kanyang postgame interview.
“Last time ang sabi ko sa kanila kung sinong mananalo sa atin ngayon, iyan ‘yung puwedeng mag-number two o number one kaya dapat must win ngayon hindi puwedeng matalo tayo dito sa Beda,” dagdag ni Javier.
Umariba kaagad ang mga Lady Chiefs sa unang dalawang sets bago sinimulang gapangin ng Lady Red Spikers ang third set para iposte ang 18-14 bentahe.
Ngunit naitabla ito agad ng Arellano sa 23-23 sa likod ni Arocha hanggang sa humirit ng off the block hit si Bello at i-block ni Mikaela Juanich si Ella Viray patungo sa ika-limang sunod nilang panalo.
Pumalo ulit ng double-double finish si Cesc Racraquin sa kanyang tinapos na 16 points at 16 exellent digs para sa San Beda, nalasap ang unang pagkatalo sa liga bitbit ang 3-1 kartada.
Sa sumunod na laro, nakopo naman ng last-season runner-up na Perpetual Help Lady Altas ang ikatlong puwesto sa leaderboard matapos pahiyain ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-19, 25-20, 25-20.
Nagsabwatan sina Jhona Rosal at Shayra Umandal para buhatin ang Lady Altas at kunin ang panalo at alpasan ang Lady Red Spikers sa team standings.
May 15 points si Rosal mula sa kanyang 13 attacks at 2 blocks at 14 digs at nag-ambag ng 10 markers si Umandal.