Delos Santos malaking tulong sa kampanya ng Cignal sa PSL

MANILA, Philippines — Matapos sibakin ng Petron Blaze Spikers bilang head coach, makakasama naman si Philippine natio­nal team mentor Shaq Delos Santos bilang isa sa mga assistant coaches ng Cignal HD Spikers sa 2020 season ng Philippine Superliga (PSL).

Sa official Facebook page ng tropa, pormal na ni­lang ipinakilala ang head tactian ng women’s national team bilang isa sa mga makakasama sa bench ni HD Spikers head coach Edgar Barroga.

“#TeamAwesome officially welcomes Shaq Delos Santos to our #AwesomeFamily! The Cignal HD Spikers are excited to #RiseHigher with you in 2020!” ang Facebook post ng Cignal.

Unang nakilala sa local volleyball scene si Delos Santos nang pangunahan ang University of Santo To­mas Golden Tigresses noong Season 72 at 73 ng UAAP at naibulsa ang huling kampeonato para sa Es­paña-based spikers.

Matapos sa Golden Tigers ay iginiya rin ni Delos Santos ang Far Eastern University Lady Tamaraws no­­ong Season 74 hanggang 79 kung saan nabitbit ni­ya ang tropa sa tatlong sunod na Final Four appea­ran­ces sa Seasons 77 hanggang 79.

Ipinamalas din niya ang kanyang husay bilang assistant coach ni George Pacua sa Petron mula noong 2014 hanggang 2016 bago mabigyan ng pagkakataon na ibandera ang tropa bilang full-time head coach hanggang 2019.

Sa ilalim ni Delos Santos ay naging isang po­wer­ house na tropa ang Blaze Spikers nang tulungan niyang makuha ang apat na titulo sa loob ng tatlong sea­sons nito.

Ito ay ang dalawang All-Filipino titles at dalawang Grand Prix hanggang sa hawakan niya ang national team noong 2018.

Makakatuwang si Delos Santos sa kampanya ng Cignal na burahin ang fourth place finish noong 2019 Grand Prix at ulitin ang Cinderella run noong All-Fili­pino Conference katuwang sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Alohi Robins-Hardy, Jheck Dione­la at ang bagong recruit na si Fiola Ceballos.

 

Show comments