MANILA, Philippines — Para kay Chris Newsome, dapat nang kalimutan ng Meralco ang kabiguan sa Barangay Ginebra sa kanilang championship series ng nakaraang 2019 PBA Governor’s Cup Finals.
At mas mahalaga ay tutukan ang paghahanda para sa darating na 2020 PBA Philippine Cup na didribol sa Marso 1.
“Even though we didn’t get the result that we want, we’ll continue to move forward and we’ll continue to get better,” sabi ng Fil-American guard.
Tinalo ng Gin Kings ang Bolts, 4-1, sa kanilang titular showdown kung saan maganda ang ipinakita ng PBA Rookie of the Year.
“Me personally I felt like I have a lot of growth throughout this series (finals). I felt like this is the best series I’ve played in my career,” wika ng 29-anyos na tubong San Jose, California na naging kamador ng Ateneo Blue Eagles sa UAAP.
Muling makakatuwang ni Newsome si 6-foot-8 Raymond Almazan sa kampanya ng Meralco sa season-opening tournament.
Lumagda ang 30- anyos na si Almazan sa Bolts ng three-year maximum term habang inaasahang pipirma rin ng kontrata sina Allein Maliksi at Bong Quinto.
Nagposte ang da-ting Letran Knights star center ng mga averages na 17.5 points, 11.0 rebounds at 1.5 block shots sa Games One at Two ng kanilang serye ng Ginebra bago magkaroon ng left knee injury sa Game Three.
Samantala, lumagda si Kevin Ferrer ng two-year contract sa NorthPort habang pumirma si back-up guard Justin Melton ng two-year deal sa Magnolia at nagbalik si Ryan Arana sa Rain or Shine.
Maglalaro naman para sa Phoenix sina guards Brian Heruela at Jansen Rios, samantalang nakuha ng TNT Katropa si forward Lervin Flores.