San Juan humigpit ang kapit sa liderato

MANILA, Philippines — Pinatumba ng San Juan Knights at Batangas City Athletics ang kanilang mga karibal habang umiskor naman ng panalo ang Pampanga Giant Lanterns sa Chooks-to-Go MPBL Lakan Season noong Huwebes ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nalusutan ng Knights ang Iloilo United Royals, 70-67 para higpitan ang kapit sa top spot sa North division sa kanilang bitbit na 24-3 record.

Kinuha ng Knights ang 67-55 abante sa fourth quarter bago nakabangon ang Royals sa inihulog na 12-1 bomba para makalapit sa 68-67 sa huling 59 segundo.

Ang supalpal ni Michael Ayonayon kay Aaron Jeruta ng Iloilo ang sumelyo sa panalo ng San Juan.

Isinalpak ni Jhonard Clarito ang dalawang free throws sa nalalabing 3.2 segundo para sa three-point lead ng Knights kasunod ang mintis na tangka ni Rey Publico sa 3-point line sa panig ng Royals.

Tumapos si Clarito na may 22 points, 8 rebounds at 4 steals para sa San Juan, habang may tig-12 markers sina John Wilson at Orlan Wamar with 12 points.

Nalasap ng Iloilo ang ika-11 kabiguan sa 27 laro sa South division.

Sumandal naman ang Batangas City Athletics kay Rey Suerte para talunin ang Navotas Uni-Pak Sardines, 72-68 at palakasin ang tsansa sa playoffs sa South sa kanilang 15-11 baraha.

Iniskor ni Suerte ang huling walong puntos ng Athletics para sa kanilang, 72-68 bentahe sa huling 16 segundo. Tumapos siya na may 13 points, 5 assists at 4 rebounds.

Nahulog ang kartada ng Navotas sa 7-21.

Samantala, nagtala si guard Mark Cruz ng triple-double para tulungan ang Giant Lanterns sa 90-70 paggupo sa Rizal Xentro Mall Golden Coolers.

Kumolekta si Cruz ng 10 points, 12 assists at 10 rebounds para akayin ang Pampanga sa 18-9 card sa North.

Nakahugot din ang Giant Lantern ng 19 points at 8 rebounds kay Michael Juico at 14 points kay Levi Hernandez para ihulog ang Golden Coolers sa 4-21.

Show comments