MANILA, Philippines — Makikilatis ang Mighty Sports-Philippines ngayon sa pakikipagsagupa nito sa home team na UAE national squad sa pagsisimula ng 31st Dubai International Basketball Tournament sa Al Shabab Al Ahli Sports Club.
Nakatakda ang banggaan sa alas-7 ng gabi doon (11 ng gabi, Manila time) kung saan tatangka ng Philippine contingent ang magandang panimula para sa misyong maging unang non-Middle Eastern team na magwagi sa annual invitational tiff.
Upang magawa ito ay sasandal si coach Charles Tiu sa mga pambato nitong sina dating Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche at resident import Renaldo Balkman gayundin sina national team cadets Thirdy Ravena, Dave Ildefonso, Jamie Malonzo, Juan at Javi Gomez De Liano.
Makakasama ni Tiu sa paggabay sa Philippine bet ang Angola national team mentor na si Will Voigt.
Kasali rin sa koponan ang iba pang imports na sina Jelan Kendrick at McKenzie Moore gayundin sina Beau Belga, Joseph Yeo, Gab Banal, Mikey Williams, Joaqui Manuel at Jarrell Lim.
Matapos ang UAE national team, masusu-bukan naman ang Mighty sa Al Itihad ng Syria bukas bago magkaroon ng pahinga sa Sabado.
Babalik ang mga Pinoy sa aksyon kontra sa Rades ng Tunisia sa Enero 26 at sa Beirut Sports Club ng Lebanon sa Enero 27 upang tapusin ang Group B schedule nito.