Cesca bumida sa San Beda

MANILA, Philippines — Bumida si Cesca Racraquin matapos nitong ibandera ang San Beda Lady Red Spikers upang takasan ang Jose Rizal University Lady Bombers, 25-17, 22-25, 25-27, 25-14, 15-6 para sa una nilang panalo sa NCAA Season 95 women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Naglista ang kapitana at open spiker na si Racraquin ng 24 points, sa likod ng 20 attacks, 3 aces at 1 kill block at may sahog pa itong 20 excellent digs habang si Nieza Viray naman ay nag-ambag ng 21 points at 12 excellent receptions at nagparamdam din ang middle blockers na sina Kimberly Manzano at Trisha Paras na may 15 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.

Nagawa mang makatakas ng Lady Red Spikers sa determinadong bulusok ng Lady Bombers ay kailangan pa rin nilang linisin ang kanilang itinalang unforced errors na umabot ng 36 kumpara sa 31 ng JRU.

“Maganda rin talaga ‘yung nilaro nila then may mga dapat ayusin, nakita niyo naman ‘yung mga error namin. Sa paningin ng tao maganda ‘yung ginawa namin pero para sa amin hindi kasi umabot ng fifth set,” sabi ni San Beda head coach Nemesio Gavino. “Nagpapasalamat ako kasi alam ko ‘yung mga bata hindi magpapatalo eh.”

Nasayang naman ang triple-double performance ni team captain Dolly Versoza, 16 markers, 13 excellent digs at 12 excellent receptions para sa Lady Bombers na dumulas ngayon sa 1-1 na kartada.

Sa unang laro, nadagit ng University of Perpe-tual Help Lady Altas ang unang panalo nito sa liga nang itarak nila ang 29-31, 25-13, 25-20, 25-20 panalo kontra sa San Sebastian Lady Stags.

Nanguna sa opensa ang senior spiker na si Blanca Tripoli nang mag-rehistro ito ng 17 points, mula sa 15 attacks habang double-double fi-nish naman inilista nina Jhon Rosal at Dana Persa. Nag-poste si Rosal ng 14 markers at 20 digs habang may 11 points at 12 digs si Persa.

 

 

Show comments