MANILA, Philippines — Apektado rin si International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas ng ashfall na dulot ng pagputok ng bulkang Taal.
Nagsasanay si Ancajas sa Ternate, Cavite na ilang kilometro lamang ang layo mula sa Taal volcano.
Kaya naman nagdesisyon ang grupo ni Ancajas na ilipat ang training nito sa Dipolog City para makaiwas sa anumang aberya.
“We decided na ilipat na lang muna dahil hindi na maganda ‘yung lugar para sa training. Mahirap na rin na baka maabutan kami doon sakaling mas maging grabe pa ang sitwasyon,” ani chief trainer Joven Jimenez.
Ilang araw din na hindi nakapag-ensayo si Ancajas dahil sa mga kaganapan.
Kaya naman nagpasya na ang Ancajas camp na ilipat na muna ang venue.
Magandang pagkakataon din na sa Dipolog magsanay para makaiwas sa anumang distraction.
Magugunitang sa Cavite nagsanay si Ancajas bago makalaban si Japanese pug Ryuichi Funai noong Mayo.
Ito rin ang naging tahanan ni Ancajas bago ang naudlot na laban nito kay Jonathan Rodriguez noong Nobyembre.
Pinaghahandaan ni Ancajas ang pagdepensa sa kanyang titulo sa taong ito.
Abril ang target na petsa ni Ancajas ngunit wala pang linaw kung sino ang makakalaban nito.
Huling sumalang si Ancajas noong Disyembre 7 sa Puebla, Mexico nang itarak nito ang sixth round technical knockout win kay Miguel Gonzalez ng Chile para matagumpay na depensahan ang kaniyang korona.