Bugle notes inilampaso ang mga kalaban

MANILA, Philippines — Patuloy ang pamamayagpag ng super horse na Bugle Notes matapos ilampaso ang mga nakatunggali sa Condition Race Merged Category 10 kahapon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Inirehistro ng imported horse na Bugle Notes ang impresibong 1:26-minuto sa 1,400 meter race sapat upang sisiwin ang siyam na katunggali sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).

Mula nang dumating noong nakaraang taon, pangatlong salang pa lang ng Bugle Notes sa karera, una ngayong 2020.

“Malayong nanalo, kaya impresibo ang kanyang tiyempo kasi mag-uumento pa ito,” hayag ni Jorge Toledo, panatiko ng Bugle Notes.

Nirendahan ni star jockey Jonathan B. Hernandez, sinunggaban agad ng Bugle Notes ang unahan sa largahan, pilit naman itong kinapitan ng Pronto.

Pero makalipas ang unang 200 metro ng takbuhan ay kumalas na ang Bugle Notes upang masolo ang unahan pagdating ng back stretch.

“Sobrang husay kahit may kumapit ay siya na mismo ang naglayo sa sarili niya,” kuwento ni former Philippine Sportswrites Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Hernandez.

Pagsapit ng far turn ay lumayo pa ang winning horse at umabot sa apat na kabayo ang lamang at sa rektahan ay nanatili ang malaking bentahe ng Bugle Notes.

Tinawid ng Bugle Notes ang meta na may walong kabayo ang distansya sa sumegundong Certain To Win, tersero ang The Accountant, pang-apat ang Hamlet habang pumang-lima ang Kapayapaan.

Unang nagpakitang gilas ang Bugle Notes nang manalo sa Cojuangco Cup kung saan isa sa tinalo nito ang reigning Presidential Gold Cup champion Super Sonic, kasama sa mga hiniya ang last year PGC ruler na Sepfourteen at malulupit ding imported horses na sina Hitting Spreee at Viva Morena.

Samantala, hindi binigo ng limayadong Money Show ang mga kareristang sumoporta sa kanya matapos manaig sa PHILRACOM - RBHS Class 4 na pinasibat sa pangalawang karera.

Dinala ng Pretty Meadow ang bandera pero kinapos ito nang lampasan ito ng nanalong kabayo sa huling 200 metro ng karera.

Maging ang mga tagahanga ni class A rider Hernandez ay natuwa dahil itinala ng hinete ang back-to-back wins sa first daily double.

Si Hernandez ang gumabay sa Money Show na tinarak ang 1:31.4 minuto sa 1,400 meter race.

Pangalawang tumawid sa meta ang Pretty Meadow, tersero ang Sky Plus habang pumang-apat ang Pinky’s Magic.

Maganda ang dibidendo sa forecast kahit liyamado ang Money Show, nagbigay ito ng P45.50 kada limang pisong taya sa kombinasyon na 1-4.

Show comments