MANILA, Philippines — Dadayo ang Alab Pi-lipinas sa Singapore kontra sa Slingers para sa misyong makapagsimula ng bagong winning streak sa pagpapatuloy ng 2019-2020 ASEAN Basketball League sa OCBC Arena.
Nakatakda ang sagupaan sa alas-4 ng hapon kung saan hangarin ng Philippine bet na masundan ang malaking panalo nito kontra kina NBA ve-teran OJ Mayo at Fubon Braves kamakalawa.
Matapos mapatid ang four-game winning streak kontra sa Macau noong nakaraang linggo, bumalikwas ang Alab sa pangu-nguna ni Fil-Am shooter Jeremiah Gray nang ipagpag ang Braves, 101-96.
Tumipa si Gray ng 17 puntos sa dikit na panalo na nagtulak sa kanila sa 5-2 kartada upang makatabla ang Mono Vampire sa tuktok ng team standings papasok sa gitnang bahagi ng prestihiyosong regional league.
Parehong bangis mula kay Gray at sa tatlong solidong imports ang inaasahan ni coach Jimmy Alapag ngayon upang masolo nila ang liderato.
Aalalay kay Gray si 7’4 Sam Deguara na bumawi mula sa four point performance kontra sa Macau nang humakot ng 26 puntos at 14 rebounds kontra sa Fubon, gayundin sina Nick King at Khalif Wyatt na umariba sa 22 at 21 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa local side naman, susuporta sina Jason Brickman, Louie Vigil, Brandon Rosser, Jordan Heading at Lawrence Domingo.
Sa kabila nito, hindi basta-basta titiklop ang home team na Singapore lalo’t misyon nilang mawakasan na ang three-game skid nito matapos ang dikit na 79-73 kabiguan kontra sa Saigon Heat.
Bibida sa Slingers na kulelat ngayon sa hawak na 1-4 kartada, sina local standouts Delvin Goh at Leon Kwek kasama ang world imports na sina Marcus Elliot, Xavier Alexander at Anthony McClain.