Biñan, Laguna, Philippines — Dumiretso ang Bulacan Kuyas sa pang-limang sunod na ratsada habang hinataw ng Biñan City Heroes ang ikaanim na dikit na panalo sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season kamakalawa ng gabi dito sa Sports Arena.
Kumolekta si JR Taganas ng 16 points at 11 rebounds para ihatid ang Kuyas sa 76-69 pagdaig sa Parañaque Patriots at palakasin ang tsansa sa fourth spot sa North division ng 31-team Maharlika Pilipinas Basketball League.
May 17-8 record ngayon ang Kuyas at kaagawan ang Bataan Risers (16-9) at Pampanga Giant Lanterns (16-9) sa top four spots na bibigyan ng homecourt advantage sa eight-team playoffs.
Tiyak na sa Top 3 finishes ang San Juan Knights (21-3), Manila Stars (21-5) at Makati Super Crunch (20-5).
Nagdagdag sina homegrown Stephen Siruma at Adven Jess Diputado ng tig-12 points para sa pagpapalasap ng Kuyas sa 8-17 marka ng Patriots.
Nagposte naman ang Heroes ng 20-point lead patungo sa 92-84 paggupo sa Socsargen Marlins at patibayin ang tsansa sa playoffs ng South division.
Kumolekta si James Mangahas ng 18 points at 10 rebounds at naglista si Allan Mangahas ng 11 points at 10 assists para sa Biñan, nakahugot kay Mark Anthony Acosta ng 14 points.
Pinaganda ng Heroes, nakakuha kay Jed Mendoza ng 13 kasunod ang 10 markers ni Kyle Drexler Neypes, ang kanilang baraha sa 11-14.
Nasa itaas ng Biñan ang No. 9 Cebu City (11-12) at No. 8 Bicol (13-12) sa agawan para sa eight playoff berths.
Samantala, tinalo ng Navotas Uni-Pak Sardines ang Valenzuela Carga Backload Solutions, 88-83, para sa kanilang 7-19 marka sa North.