Orcullo bagong coach ng SLR
MANILA, Philippines — Itinalaga ng Sta. Lucia Lady Realtors ang dati nitong assistant coach na si Eddieson Orcullo bilang head coach ng tropa sa darating na 2020 Philippine Superliga Grand Prix.
Sa Facebook page ng Lady Realtors, inanunsyo nito ang pagkakatalaga ng isa sa mga matagal nang coaching staff ng koponan.
“We are happy and excited to announce that former Sta. Lucia assistant coach Eddieson Orcullo will now be calling the shots as head coach for the Lady Realtors!,” post ng Sta. Lucia sa kanilang page. “Congratulations and may the force be with you, coach Ed! #thenewSTALUCIA.”
Si Orcullo na ang ikaanim na coach na hahawak sa Lady Realtors mula nang mabuo ito noong 2017 matapos nitong hawakan ng ilang batikang coaches gaya nina Macky Carino, Sammy Acaylar, Jerry Yee, George Pascua at Babes Castillo.
Noong kalagitnaan ng PSL Invitationals noong Oktubre 2019 ay pinangalanan bilang interim coach si Orcullo kung saan nagawa niyang manalo sa unang tatlong laro sa preliminaries at tumapos ng sixth place sa naturang edisyon.
Umaasa ang Sta. Lucia na magagawang bitbitin ni Orcullo ang koponan sa unang semifinals appearance ngayong taon at alpasan ang sixth place finish, ang pinakamaganda nilang record sa buong torneo.
Kamakailan lang ay inanunsyo ng koponan na binitiwan na nila ang 13 manlalaro nito sa pangunguna nina Micmic Laborte, Amanda Villanueva, Roselle Baliton, Becca Rivera at Rachel Austero.
- Latest