MANILA, Philippines — Pasabog kaagad ang unang araw ng collegiate volleyball nang dagitin ng Arellano University Lady Chiefs at College of Saint Benilde Lady Blazers ang una nilang panalo sa pagbubukas ng NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umariba ang defending champions na Lady Chiefs nang pahiyain ang host school Lyceum of the Philippines Lady Pirates, 27-25, 25-20, 25-20, sa likod ni two-time Finals MVP Regine Arocha.
Pakitang-gilas si Arocha nang pumoste ng 18 points mula sa 18 attacks, 9 reception at 8 digs para ibandera ang tropa sa kampanya patungo sa hangad na ‘four-peat’ ngayong season, habang sina Carla Donato Alyana San Gregorio ay may 12 at 6 markers, ayon sa pagkakasunod.
Pumabor man sa Lady Chiefs ang kinalabasan ng laro ay aminado si coach Obet Javier na hindi ito ang laro na inaasahan niya sa kanyang mga bata.
“Nagulat ako kasi sa practice hindi ganun ‘yung inensayo namin. First game jitters talaga,” sabi ni Javier. “Mabuti na lang na-overcome ng mga bata ‘yung pressure.”
Apat na sets naman ang kinailangan ng Lady Blazers para maalpasan ang 2019 runner-up na Perpetual Help Lady Altas, 25-17, 14-25, 25-17, 25-20, at sumosyo sa Arellano sa top spot.
Kontrolado ng St. Benilde ang first set bago rumagasang pabalik ang Perpetual sa second set at itarak ang 7-0 atake para gulatin ang 2019 Premier Volleyball League Collegiate Conference fourth placer sa 22-10 bentahe tungo sa third set.
Muling umalagwa ang Lady Blazers sa third set sa pagposte ng 20-13 abante at sa fourth frame kung saan sinamantala nila ang mga errors na ginawa ng Lady Altas.
Nanguna para sa panalo ng St. Benilde sina rookies Gayle Pascual at Mycah Go na may 15 at 8 points, ayon sa pagkakasunod.