May dahilan si Paat sa pag-alis sa Cignal

MANILA, Philippines — Mas ma-explore at makita ang sarili sa ibang team, ang dahilan ni national team member Mylene Paat sa kanyang pagkalas sa Cignal HD Spikers at paglipat sa Chery Tiggo Crossovers para sa bagong season ng Phi­lippine Superliga (PSL).

Matapos ang halos dalawang taon sa Cignal ay maglalaro  ang opposite hitter para sa Chery Tiggo, dating Foton Tornadoes, at nakatakdang mag-debut sa 2020 PSL Grand Prix.

“Nagpaalam ako nang maayos sa Cignal and sa management and ‘yung reason ko naman doon is gusto ko talagang mag-explore and makita ‘yung sarili ko sa ibang team. Naintindihan naman nila ako,” paha­yag ni Paat.

Ayon kay Paat, matagal na siyang nililigawan ng tropa para maging bahagi nito pero makailang beses rin niyang tinanggihan ang alok dahil mas nakatuon ang pansin niya sa kanyang dating club kaya’t nagpapasalamat siya dahil hinintay siya ng koponan.

“Last year pa kinausap na nila ako. Pero ang sabi ko lang last year sa kanila, fully committed pa ako sa Cignal,,” ani Paat. “Doon ‘yung thankful talaga ako eh, kasi nandiyan lang sila. Sobrang hinintay lang nila ako na maging free hanggang sa nakapag-decide na ako na hindi na ako mag-renew sa Cignal.”

Hindi rin naitago ng kaliweteng spiker ang pana­nabik na maging kakampi ang magkapatid na Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat.

Nakasama ni Paat si Santiago sa national team noong 2018 Asian Games sa Indonesia.

Hindi kaagad makakapaglaro sa nasabing import-laden con­ference ang magkapatid dahil kasalukuyang nasa Japan ang dalawa at naglalaro bilang Asian imports sa V. Premier League pero inaasahan na magbabalik-bansa sila sa Mayo.

Umaasa rin ang tropa na madadala ni Paat ang na­ging perfomance niya sa nakaraang 30th Southeast Asian Games at nakalipas na season nang tulungan ni­ya ang HD Spikers na maka-silver at bronze finish sa All-Filipino at Invitational conferences

“Isa rin ako doon sa mga ilo-look up nila dahil sa naging performance ko nga this last SEA Games and sa mga nakaraan pang liga. May mga maitutulong din naman ako sa kanila,” dagdag pa nito.

 

Show comments