Pacquiao runaway WBN Fighter of the Year

MANILA, Philippines — Pormal nang kikilalanin ng World Boxing News (WBN) si eight-division world champion Manny Pacquiao bilang WBN Fighter of the Year para sa taong 2019.

Sa pagtatapos ng botohan kagabi, wala nang nakahabol pa sa reigning World Boxing Association (WBA) welterweight champion na umani ng 14,320 boto o 91.4 porsiyento ng kabuuang boto.

Malayo sa No. 2 spot si World Boxing Organization light heavyweight titlist Canelo Alvarez na naglista lamang ng 481 boto (3.1%) habang ikatlo si World Boxing Association bantamweight at International Boxing Federation bantamweight champion Naoya Inoue na nakalikom ng 322 boto (2.1%).

Pumang-apat si WBA, IBO, WBO at IBO heavyweight champion Anthony Joshua na may 206 boto kasunod sina World Boxing Council heavyweight king Deontay Wilder (203), IBF at WBC welterweight champion Errol Spence Jr. (117) at WBC flyweight champion Juan Estrada (19).

Napamangha ni Pacquiao ang buong mundo nang magtala ito ng dalawang impresibong panalo noong nakaraang taon sa kabila ng kaniyang edad.

Magarbong binuksan ni Pacquiao ang 2019 nang ilista nito ang unanimous decision win kay Adrien Broner sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada para madepensahan ang WBA regular welterweight title.

Muling umariba ang Pinoy champion noong Hulyo matapos dungisan ang rekord ni Keith Thurman sa pamamagitan ng split decision win para maagaw ang WBA super welterweight belt sa parehong venue.

Show comments