MANILA, Philippines — Itinanggi ni Sisi Rondina ang mga umuugong na balita patungkol aniya sa kanyang paglipat ng club team mula Petron Blaze Spikers patungo sa Foton Tornadoes para sa darating na 2020 season ng Philippine Superliga.
Unang pumutok ang balita sa hindi pagtalon ni Rondina sa Foton nang ilan sa mga manlalaro ng multi-titled team na Petron ang nag-alisan sa pangunguna ng batikang setter na si Rhea Dimaculangan kasama sina Carmela Tunay, Chloe Cortez at Denden Lazaro.
Maglalaro si Dimaculangan, ang 2018 All-Filipino Conference MVP para sa Generika-Ayala Lifesavers, habang mag-oober da bakod naman sa Premier Volleyball League (PVL) sina Tunay at Cortez sa ilalim ng Motolite at si Lazaro sa Choco Mucho.
Tinuldukan na ni Rondinaa ang UAAP Season 81 MVP at 30th Southeast Asian Games bronze medalist ang isyung ito nang diretsahan niyang sinagot sa Twitter ang tanong ng isang netizen patungkol dito.
Isang matipid na ‘Nope’ ang ibinigay ni Rondina sa tanong ng isang Twitter page na #LabanPilipinas (@ustvolleyball) na: “Legit bang lilipit si @Rondina011 sa Foton?”
Matatandaan na noong 2016 ay naglaro na rin sa ilalim ng Foton Tornadoes si Rondina nang nagsisimula pa lang ang karera niya sa semi-pro league kasama sina Dimaculangan, Jaja Santiago, Angeli Araneta at Patty Orendain.
Kasabay ng pagkawala ng ilang manlalaro ay sinibak rin ng Blaze Spikers si Shaq delos Santos bilang head coach kapalit ang veteran mentor na si Emil Lontoc bilang bahagi ng kanilang revamping para sa nanalapit na pagdedepensa sa Grand Prix crown sa Pebrero.
Ang 70-anyos na si Lontoc ang isa sa mga assistant coach ng Philippine women’s national volleyball team na nakapagbulsa ng gintong medalya noong 1993 Singapore SEA Games at 33 taong hinawakan ang UST Tigers sa UAAP.