DENR Warriors asam ang semis slot
MANILA, Philippines — Muling susubukan ng Department of Environment and Natural Resources na makopo ang ikalawa at huling outright semifinals berth sa pagsagupa sa PhilHealth sa 8th UNTV Cup bukas sa Paco Arena sa Manila.
Magtutuos sa ganap na alas-3:30 ng hapon, pilit na kalilimutan ng DENR Warriors ang nalasap na 64-74 kabiguan sa PITC Global Traders noong nakaraang buwan na dumiskaril sa kanilang pagpitas sa Final Four slot sa annual event para sa mga public servants.
Ang kabiguan ang tumapos sa six-game winning streak ng DENR at nagbigay sa Judiciary, National Housing Authority at PITC ng tsansang makapasok sa semis.
Kinuha ng Builders ang 100-96 panalo laban sa PhilHealth Plus para tapusin ang second round bitbit ang 6-3 marka sa itaas ng Judiciary Magis at Malacañang-Philippine Sports Commission Kamao.
Parehong may 5-3 baraha ang Magis at Kamao sa torneong may nakalatag na P4 milyon para sa mapipiling charity ng champion team, habang ang runner-up ay may P2 milyon na kanila ring ibibigay sa charity.
Nasa semis na ang nagdedepensang Armed Forces of the Philippines sa bisa ng 7-1 record.
Maaaring tumabla ang Kamao sa Builders kung tatalunin nila ang Department of Agriculture Food Masters.
Maglalaro ang third hanggang sixth placers sa quarterfinals kung saan ang top two finishers ang bubuo sa semis cast sa event na inorganisa ni UNTV president at CEO Dr. Daniel Razon.
- Latest