MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Philippine international defender Amani Aguinaldo na makakakuha siya ng kontrata sa South Korean club Incheon United para makapaglaro sa K League outfit.
Isa si Aguinaldo sa mga Philippine Azkals na nagpakita ng husay sa kanilang pagsabak sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Nabigo ang Azkals na makasipa ng tiket para sa semifinal round ng men’s football competition ng nasabing biennial event.
Bukod kay Aguinaldo, isa din si team captain Stephan Schrock sa mga overage players ng Azkals.
Kumonekta si Aguinaldo ng isang hattrick laban sa Timor-Leste sa final matchday ng group stages, ngunit nabigong maungusan ang Cambodia sa goal difference para sa runners-up spot sa Group A at makakuha ng knockout berth.
Ipinahiram ang 24-anyos na Pinoy defender sa Malaysia Super League side PKNP FC noong nakalipas na season mula sa kanyang parent club na Ceres-Negros FC.
Lalahok siya sa open tryout sa Incheon.
“I want to do my best to prove myself that I am good enough in Korea Republic which has the best league in Asia,” wika ni Aguinaldo sa kanyang pagsabak sa nasabing tryout.