Pacquiao No. 8 Highest-Paid Athlete

MANILA, Philippines — Hindi pa rin nawawala ang ningning ni eight-division world champion Manny Pacquiao na nakahilera sa mga world-class athletes sa listahan ng Top 10 Highest Paid Athletes sa nakalipas na dekada.
Sa inilabas na listahan ng Forbes, pasok sa No. 8 si Pacquiao na nakalikom ng tumataginting na $435 milyon o mahigit P22 bilyon mula sa kanilang mga laban noong 2010 hanggang 2019.
Magarbong sinimulan ni Pacquiao ang dekada 2010 nang manalo ito kay Joshua Clottey para kapitan ang WBO welterweight belt.
Kumita ang Pacquiao-Clottey fight ng $6.3 milyon sa gates at $35.3 milyon sa pay-per-view buys.
Sa nakalipas na 10 taon, nagtala si Pacquiao ng 12 panalo at apat na talo kabilang ang knockout loss kay Mexican champion Juan Manuel Marquez noong 2012.
Nanguna sa listahan ang mortal na karibal ni Pacquiao na si undefeated American fighter Floyd Mayweather Jr. na may $915 million na kinita.
Pumangalawa si football star Cristiano Ronaldo na nagtala naman ng $800 million kasunod ang isa pang football legend na si Lionel Messi na mayroon namang $750 million.
Nasa ikaapat si LeBron James ng LA Lakers ($680 million) kasunod sina Roger Federer ng tennis ($640 million), Tiger Woods ng golf ($615 million), Phil Mickelson ng golf ($480 million), Kevin Durant ng NBA ($425 million) at Lewis Hamilton ng Formula One ($400 million).
- Latest