MANILA, Philippines — Mahirap maging atleta. Ang puhunan dito ay dugo at pawis.
Minsan, isinasakripis-yo pa na mawalay sa kanilang pamilya para magsanay sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ngunit may malaking pabuya na naghihintay sa bawat atletang mananalo ng gintong medalya sa malalaking kompetisyon.
Base sa Republic Act 10699 o ang tinatawag na National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” may katumbas na incentives ang medalyang mapapanalunan ng isang atleta sa Olympics, World championships, Asian Games at SEA Games.
Tumataginting na P10 milyon anng insentibong makukuha ng mananalo ng gold medal sa Olympics na nananatiling mailap sa Pilipinas.
Bukod pa rito ang incentive na ibinibigay ng Philippine Olympic Committee at iba’t ibang pribadong sektor.
P5 milyon ang incentive ng silver medalists at P2 milyon naman sa bronze.
May katumbas na P5 milyon ang gold medal sa Youth Olympic Games and Paralympic Games; P2.5 milyon sa silver at P1 milyon sa bronze.
May P2 milyon naman para sa gold mula sa Asian Games, Asian Winter Games at Asian Indoor at Martial Arts Games at P1 milyon sa silver at P400,000 para sa bronze.
Ang gold sa Asian Beach Games at Asian-level competitions na ginaganap tuwing ikalawang taon na may hindi bababa sa 25 bansang kalahok at nagsisilbing qualifying competitions para sa World-level at Asian-level games ay may katumbas na P2 milyon, P500,000 sa silver at P250,000 sa bronze.
Sa SEA Games ay P300K sa gold, P150K sa silver at P60K sa bronze habang sa ASEAN Para Games, P150K sa gold, P75K sa silver at P30K sa bronze.
Malaking tulong ito para sa mga atleta upang maiangat ang kanilang buhay.
Tulad na lang ni Hidilyn Diaz na tunay na nagkaroon ng magandang kinabukasan matapos magwagi ng pilak na medalya noong 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Nagkamit si Diaz ng tumataginting na P5 mil-yon mula sa gobyerno base sa nakasaad sa Republic Act 10699.
Bukod pa dito ang idinagdag na P2 milyon ng Philippine Olympic Committee, P1 milyon galing naman sa Siklab Pilipinas Sports Foundation, at ang P500,000 mula sa Zamboanga City local government unit.
Natuwa rin si Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t nagbigay siya ng P2 milyon kay Diaz. Para sa mga mananalo sa team event na may limang participants pababa, parehong cash incentives ng individual medal winners ang kanilang makukuha na hahatiin sa mga miyembro ng team.
Ngunit kung higit sa lima ang miyembro ng nanalong team ay makakatanggap ang bawat miyembro ng koponan ng twenty-five percent (25%) ng cash incentives para sa individual medal winners
Para sa mga demonstration at exhibition sports events sa Olympics, ang mananalong atleta ay makakatanggap ng twenty-five percent (25%) ng cash incentives para sa Olympic medalists.
Para sa atletang makakabasag ng Philippine record o ranking sa international sports competition, may cash incentives din base sa ibinibigay ng PSC.
Puwedeng maging instant millionaire ang atletang mananalo ng Olympic medal.
Nagbigay din si eight-division world champion Manny Pacquiao kay Diaz subalit hindi siniwalat ang eksaktong halaga ng kanyang ibinigay.
Matapos ang Rio Olympics, muling humataw si Diaz sa 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia kung saan bumuhat ito ng gintong medalya.
Panibagong P2 milyon na naman ang natanggap ni Diaz mula sa RA 10699.
Dahil sa mga pabuya, mas naging inspirado ang mga atletang Pilipino.
Sa katatapos na 2019 Southeast Asian Games, humakot ang Pilipinas ng 149 ginto, 117 pilak at 121 tansong medalya para tanghaling overall champion sa ikalawang pagkakataon – una noong 2005 Manila SEA Games.
Labis na ikinatuwa ni Pangulong Duterte ang nsabing pagdomina ng mga Filipino athletes sa nasabing edisyon ng bienniel meet.
Kaya naman nagdagdag pa siya ng ‘bonus’ para sa mga 2019 SEA Games medalists sa pagbisita ng mga ito sa Malacañang.
Nangako din ang Presidente na dadagdagan ang monthly allowance ng mga atleta simula sa susunod na taon sa kanyang pakikipagpulong sa mga Kongresista.
Sa susunod na taon ay gaganapin ang Olympic Games sa Tokyo, Japan at inaasahang magsisikap ang bawat atleta na magqualify tulad nina World Gymnastics champion Carlos Edriel Yulo at pole vaulter Ernest John Obiena.
Inaasahang madagdagan pa ang entry ng Pilipinas sa naturang quadrenniel event upang madagdagan ang tsansang makopo ang mailap na kauna-unahang Olympic gold medal.