MANILA, Philippines — Sa edad na 41-anyos, may asim pa ang alamat na si Manny Pacquiao.
Malakas pa siya at kaya pang makipagsabayan sa mga mas batang mandirigma.
Subalit hindi rin maitatanggi na maaring papalapit na rin sa dapit-hapon ng kanyang karera at ilang laban na lamang mula sa opisyal na pagsasara ng pinilakang-tabing kinatampukan ng hindi malilimutang mga laban sa loob ng dalawang dekada.
Kaya’t sa pagtatapos naman ng isang taon sa alamat ng natatanging si ‘Pacman’, halina’t magbalik-tanaw sa kanyang boxing superstardom kalakip ang mga pabuyang naibulsa niya sa paglalakbay mula nang sumiklab ang pro-boxing career noong 1990’s.
Edad 16-anyos si Pacquiao nang simulan ang boxing career sa Maynila mula sa General Santos City subalit nagkaroon siya ng oportunidad sa kasaysayan noong 2001 na hindi niya sinayang.
Napili bilang replacement boxer lamang kontra kay Lehlo Ledwaba para sa world bantamweight title, sinulit ni ‘Pacman’ ang tsansa nang patumbahin ang karibal upang ianunsyo ang kanyang maugong na pagdating sa world boxing.
Kumita lamang siya ng $40,000 sa laban.
Nagpatuloy ang pag-angat ni Pacquiao sa boxing pedestal kontra sa mga kilalang boxers na sina Erik Morales, Marco Antonio Barrera, Juan Manuel Marquez, Miguel Cotto, Oscar Dela Hoya, Joshua Clottey, Antonio Margarito, Ricky Hatton at Floyd Mayweather Jr.
Sa kabuuan, sumalang si Pacquiao sa 25 na PPV fights at kumita sa PPV buys ng $20 milyon.
Umabot din ang mga naturang PPV buys sa buong mundo ng tumatagin-ting na $1.25 bilyon.
Pinakamalaki dito ang 4.6 million PPV buys kontra kay Mayweather na siyang pinakamalaking PPV buys sa kasaysayang ng boxing.
Binansagan itong “Fight of the Century.”
Sa naturang laban din sa pagitan ng dalawang pinakamagaling na boxer sa 2000s ay kumita si Pacquiao ng pambihirang $120 milyon na siyang pinakamalaking kita niya sa buong karera.
Mula sa $40,000 sa kanyang unang pro fight hanggang sa pagkita ng 3,000 beses na higit pa para sa $120 milyon na earnings.
Ilan pang laban ang sinabakan ni Pacquiao sa kabila ng tumatandang edad, pinakabago na nga ang TKO win kontra kay Keith Thurman para sa WBA super welterweight title. Kumita siya dito ng hanggang $10 milyon.
Sa kabuuan ng kanyang karera ay kumita si Pacquiao ng halos $ 423.5 milyon o P23. 5 bilyon.
Subalit bukod doon ay walang kaparis na halaga ang kanyang mga para-ngal na naisukbit, impluwensya at inspirasyon na kanyang nabigay sa mga tao ay walang katumbas na karangalang inihandog sa Pilipinas.
Bukod sa pagiging public servant ngayon bilang Senador, natanghal na si Pacquiao bilang natatanging eight-division world champion, 3-time Fighter of the Year, Fighter of the Decade, greatest Asian boxer of all time, greatest southpaw boxer in history at best pound for pound fighter.