MANILA, Philippines — Lalo pang magsusumikap si Pinay boxer Nesthy Petecio na makasuntok ng tiket para sa 2020 Olympic Games na gagawin sa Tokyo, Japan.
Kamakalawa ay tumanggap ang mga atletang kumuha ng medalya sa nakaraang 30th Southeast Asian Games ng cash incentives mula sa Philippine Sports Commission at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa si Petecio, sumuntok ng gold medal sa wo-men’s boxing competition ng biennial event sa nakakuha ng malaking insentibo.
“Malaking tulong po ito para sa pamilya ko,” sabi ng tubong Santa Cruz, Davao del Sur na lady fighter sa kanyang naibulsa na P750,000 na cash incentives. “Titiyakin ko pong hindi ito mababalewala.”
Sa ilalim ng Republic Act 10699, ang gold me-dalist sa SEA Games ay tatanggap ng P300,000, habang P150,000 at P60,000 ang makukuha ng silver at bronze finishers, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nagbigay si Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino ng P200,000 para sa mga gold medal winners ng 2019 SEA Games.
Kamakalawa ay nagdagdag si Pangulong Duterte ng P250,000 para sa mga atletang kumuha ng ginto, P150,000 sa mga nagbulsa ng pilak at P100,000 sa mga sumikwat ng tansong medalya.
“Gusto ko talagang bumili ng lupa sa amin dati pa. Siguro ngayon makakabili na talaga ako,” ani Petecio, sumuntok din ng gold medal sa prestihiyosong 2019 World Championships.