MANILA, Philippines – Hindi lamang cash incentives ang natanggap ng mga national athletes na kumolekta ng kabuuang 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Kahapon ay binigyan din sila ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Order of Lapu-Lapu award sa incentives awarding sa Malacañang.
Ito ay para sa pag-angkin ng Team Philippines sa overall championship ng 2019 SEA Games.
“We are lucky to have a President who support us fully and has a big heart for our athletes,” sabi ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez na nagsilbing Chef De Mission ng bansa sa nasabing biennial event na susunod na pamamahalaan ng Vietnam sa 2021.
Pinamunuan ni Ramirez, tinanggap ni Presidente Duterte ang mga national athletes na suot ang kanilang official tracksuit sa Rizal Hall ng Malacañang Palace.
Dumalo rin sa seremonya sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino, Philippine SEAG Organizing Committee chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano at PSC Commissioners Celia Kiram, Arnold Agustin at Charles Maxey at iba pang mga opisyales ng mga national sports associations.
Ang nasabing Order of Lapu-Lapu award ay ibinibigay sa mga “deserving of merit and recognition and to fully express the President’s appreciation of the Filipino people’s contributions to the success of the campaigns and programs of the Government.”
Magiging masaya rin ang Pasko ng mga atleta dahil sa kanilang natanggap na cash incentives mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Nakasaad sa Republic Act 10699 na ang gold medal sa SEA Games ay may katumbas na insentibong P300,000, habang ang silver at bronze ay P150,000 at P60,000, ayon sa pagkakasunod.
Bukod pa rito ang dagdag na P250,000 ni Pangulong Duterte para sa mga kumuha ng gintong medalya, P150,000 para sa pilak at P100,000 para sa tanso.
Sina Pauline Lopez ng taekwondo, Marck Jesus Espejo ng volleyball at Jasmine Alkhaldi ng swimming ang kumatawan sa mga gold, silver and bronze medalists, ayon sa pagkakasunod, sa pagtanggap ng tseke mula kay Presidente Duterte.
Kamakalawa ay binigyan ni Tolentino ang mga individual athletes ng P200,000 para sa nakamit na gold medal.