MANILA, Philippines — Nanatiling buhay ang pag-asa ng Judiciary, National Housing Authority at Philippine International Trading Corporation (PITC) para sa ikalawang outright semis berths matapos ang magkakahiwalay na panalo sa 8th UNTV Cup na ginanap noong weekend sa San Juan City gym.
Pinakamalaking panalo ang naitala ng PITC Global Traders nang kanilang silatin ang dating unbeaten na Department of Environment and Natural Resources Warriors, 74-64 sa pagbibida ni Rod Vasallo.
Lumayo ang Global Traders sa second quarter para ipalasap sa Warriros ang unang talo matapos ang pitong sunod na tagumpay sa tournament na inorganisa ni UNTV president and CEO Dr. Daniel Razon para sa mga public servants kung saan ang champion team ay makakapagbigay ng P4 milyon sa mapipiling charity.
Ang kabiguan ng DENR ang nagtulak sa Armed Forces of the Philippines sa liderato taglay ang 7-1 record.
Ang Builders ni coach Benneth Palad ay umangat sa 6-3 matapos ang 100-96 panalo sa PhilHealth Plus.
Nagtulong sina Alvin Vitug at Marvin Mercado para pangunahan ang NHA sa kanilang 24 at 22 points, ayon sa pagkakasunod.
Double-double si Mercado sa kanyang13 boards.
Natuhog naman ng Judiciary Magis, ang ikaapat na sunod na panalo nang kanilang igupo ang Department of Agriculture Food Masters, 81-72 para makatabla sa Malacañang-Philippine Sports Commission at PITC sa fourth to sixth places sa 5-3.
Si dating PBA player Chester Tolomia ang bumandera sa pananalasa ng Judiciary sa second quarter para mabura ang 27-15 deficit na nag-angat sa kanila sa 41-40 halftime advantage at hindi na lumingon pa nang tumulong sina Warren Ybañez at Christopher dela Cruz na tumapos na may tig-13 puntos.