Didal sa Tokyo Olympics nakatuon

Didal

MANILA, Philippines — Matapos magreyna sa regional at continental le-vel sa loob lang ng isang taon, makapasok naman sa pinaka-prestihiyosong patimpalak na Olympics ang susunod na misyon ng Filipina skateboarding sensation na si Margielyn Didal.

Edad 20-anyos pa lang, umangkin ng dagdag na titulo ang teen sensation ng kumopo ito ng dalawang gintong medalya sa katatapos lang na 30th Southeast Asian Games dito sa bansa.

Magandang follow up success ito para sa Cebu-native na nagwagi rin ng gold medal noong 2018 Asian Games sa Palembang, Indonesia.

Ang tagumpay na iyon ang nagpasok sa kanya bilang natatanging Pinoy sa pambihirang Top 25 Most Influential Teens noong 2018 ng pamosong Time Magazine.

Subalit hindi pa doon nagtatapos ang paglalakbay ni Didal na nakatuon na ang atensyon sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan bilang susunod niyang destinasyon.

Sa kasalukuyan ay swak sa top 20 cut si Didal sa no. 13 spot sa women’s street world rankings papasok sa huling pitong qualifiers hanggang Mayo, 2020.

Tanging top 20 skaters lang ang mabibigyan ng tiket sa Olympics na magpapakilala ng skateboarding bilang medal sport sa unang beses sa kasaysayan.

Bagama’t nasa komportableng posisyon na, ayaw naman pakampante ni Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines president Monty Mendigoria upang masiguro ang pagpasok ng pambato ng Pinas.

“It’s not gonna be easy for everyone kasi for sure maghahatakan mga ‘yan sa qualifiers,” ani Mendigoria. “But we want to have a better, more comfortable slot so we’re aiming to make it to at least top 10 or top 8.”

Kaya kailangang masalihan ni Didal ang nalalabing pitong Olympic qualifiers na magsisimula na sa Enero sa Peru.

Show comments