Panalo o talo man ang NorthPort sa Game 2 ng kanilang best-of-five semifinal showdown kagabi, mananatiling nakatatak na sa isipan ng lahat na game-changer si Michael Qualls sa koponang Batang Pier.
Apat na sunod na panalo sa do-or-die matches at 1-0 bentahe sa semis kontra sa Ginebra ang pinangunahan ni Qualls na hugutin para sa NorthPort.
Bago dumating si Qualls, sisinghap-singhap ang playoff hopes ng mga Batang Pier kasama ang kanilang original import na si Mychal Ammons.
Matapos ang limang sunod na panalo, kasama ang higanteng 124-90 win kontra sa Ginebra noong Game One, kinokonsidera na bigla ng lahat ang NorthPort na serious title contender.
At malaking kadahilanan dito si Qualls na mukhang umangat bilang bagong import barometer sa PBA Governors Cup.
Matapos ang semis series opener, tangan ni Qualls ang matinding average stats line markado ng 33.6 points, 13.4 rebounds, 3.6 assists, 2.2 steals and 1.8 blocks per game.
Sa katauhan ng Arkansas alum na ito, mukhang nakakita ang NorthPort ng sariling resident import na magpapakitang kisig sa local pro league sa mahabang panahon – gaya nina Justin Brownlee at Allen Durham.
NBA material ang Shreveport, Louisiana native na ito. Kaya nga lamang ay tinamaan ng ACL tear habang nakikipag-work out sa Phoenix Suns bago ang 2005 NBA draft.
Matapos maka-recover sa injury, dinala ni Qualls ang kanyang galing sa Israeli league, Italian league at sa NBA G League bago nakuha ng NorthPort.
***
Tambakan ang unang dalawang laro sa PBA Governors Cup semifinals matapos ang mahabang pamama-hinga ng liga upang magbigay daan sa SEA Games.
Pero nakikita ko nang iigting ang labanan sa dalawang series sa oras na ma-recover ng mga magkakaribal na koponan ang game rhythm.