Espejo lalarong import sa Thailand
MANILA, Philippines — Matapos kargahin ang national team sa makasay-sayang silver medal finish sa men’s indoor volleyball ng 30th Southeast Asian (SEA) Games, panibagong yugto sa kanyang career ang tatahakin ni ace player Marck Espejo.
Dadalhin ni Espejo ang kanyang galing at talento sa Thailand bilang isa sa mga Asian import sa darating na 2020 Volleyball Thailand League (VTL) sa ilalim ng koponang Visakha Volleyball Club.
“Before the game, may pinasa sa aking article. Siguro Thailand na rin naglabas. Maglalaro ako sa isang Thai club, Visakha,” sabi ni Espejo.
Nakalipad na kahapon patungong Thailand si Espejo pero nakatakda rin siyang magbalik-bansa sa Disyembre 25 para magdiwang ng Pasko at Bagong Taon at sa ikalawang linggo ng Enero ay babalik siya at tatagal siya rito hanggang sa Abril.
Makakasama ni Espejo sa club team niyang ito ang dalawang national team members ng Thailand na sina opposite spiker Kitsada Somkane at libero Jakapong Tongklang maging ang Brazilian spiker na si Kaio Fabio Rocha ay magiging kakampi rin niya.
Nakalaro na rin ang five-time UAAP Most Valuable Player (MVP), sa Japan V. Premier League noong 2018 sa Oita Miyoshi, kung saan naglalaro ngayon si Bryan Bagunas.
- Latest