Maraming interesado kay Kai Sotto
MANILA, Philippines — Nagsimula nang umani ng interes ang Filipino teen sensation na si Kai Sotto sa ibang bansa nang bumisita siya sa tatlong US NCAA Division I Schools kabilang na ang prominenteng University of Kentucky.
Bagama’t maituturing na unofficial visit, mala-king karangalan pa rin ang pagpunta ng 7-foot-2 na si Sotto sa Lexington upang makilala ang three-time Naismith College Coach of the Year na si John Calipari ng Kentucky Wildcats.
Bumisita rin ang 17-anyos na higante sa Georgia Tech at nakadaupang-palad din si Coach Josh Pastner habang ang Depaul University mentor na si Dave Lietao pa ang pumunta sa tinutuluyan ni Sotto sa Atlanta, Georgia.
Sa Georgia Tech ay nagkaroon pa ng pambihirang pagkakataon si Sotto na makatanggap ng #11 Yellow Jackets jersy at opisyal na bola ng koponan.
“Let the fun begins. Legends begin their lives here,” sabi ni Sotto sa Kentucky. “Thank you Coach Josh and Georgia Tech for a great visit and the vision you shared.”
Ilan lamang sa kilalang produkto ng Kentucky sina John Wall ng Washington Wizards, Anthony Davis ng LA Lakers at Karl Anthony-Towns ng Minnesota Timberwolves.
Sa Georgia Tech naman galing sina Jarrte Jack, Stephon Marbury, Mark Price, Dennis Scott at three-time NBA champion na si Chris Bosh.
Siyam na buwan ng nasa ibang bansa si Sotto matapos magdesisyong iwan ang bansa noong Marso bagama’t may playing years pa sana sa Ateneo sa UAAP.
Kasalukuyan siyang nagsasanay sa ilalim ng The Skills Factory program sa Atlanta.
Nauna na rin siyang nakakuha ng offers mula naman sa European ball clubs na Barcelona, Real Madrid at Estudiantes ng Spain gayundin sa ALBA Berlin mula sa Germany.
- Latest