MANILA, Philippines — Tinupad ng national skateboarding team ang pangako nitong mag-aambag ng gintong medalya sa kampanya ng Team Philippines sa 2019 Southeast Asian Games.
Hindi binigo ng Pinoy skateboarders ang sambayanan nang angkinin ng tropa ang anim sa walong gintong nakataya sa skateboarding.
Walang iba kundi si Asian Games champion Margielyn Didal ang nanguna sa matikas na kampanya ng koponan.
Humataw ito ng dalawang gintong medalya matapos pagreynahan ang Game of Skate at Street categories.
Nagsilbing solidong suporta ni Didal si Filipino-American Christiana Nicole Means na sumiguro naman ng dalawang pilak sa mga naturang events.
Ngunit bago matapos ang kumpetisyon, gumawa ng sariling pangalan si Means nang mangibabaw ito sa Park event para maningning na tapusin ang kanyang kampanya tangan ang isang ginto at dalawang pilak.
Nagpasiklab din ang mga Pinoy skateboarders sa men’s division.
Tatlong gintong medal-ya ang nasiguro ng tropa mula kina Jericho Francisco Jr. Daniel Ledermann at Jaime de Lange.
Nanguna si Francisco sa Park habang namayagpag naman si De Lange sa Downhill.
Hindi rin nagpahuli si Ledermann na nakaginto naman sa Game of Skate.
Nakahirit naman ng pilak sina Duke Pandeagua (men’s Downhill) at Renzo Mark Feliciano (men’s Street) habang may tanso si Rydelle Abarico (women’s Downhill).
Ngunit hindi natatapos sa SEA Games ang laban ng Pinoy skateboarders.
May mas malaking misyon pa ito – ang 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Kaya naman puspusan na ang pagsasanay ng buong tropa upang makahirit ng tiket sa Tokyo Olympics.
“After ng SEA Games, ‘yung focus ko sa Olympics na. Hopefully, makakuha ng slot sa Tokyo dahil gusto ko rin maisama ang family ko sa Japan para mapanood nila ako,” ani Didal.