Pinasaya ng Gilas ang Pinoy basketball fans
MANILA, Philippines – Nagtala ng kasaysayan ang Pinas sa pagdomina ng SEA Games basketball matapos magkampeon ang men’s at women’s Gilas Pilipinas teams sa pagsasara ng basketball competition kahapon sa Mall of Asia Arena.
Dinomina ng Phl Cagers ang Thailand sa parehong dibisyon para itala ang double victory na nagpasaya sa mga Pinoy basketball fans.
Nakopo ng Pinas ang kauna-unahang gold sapul noong 1981 sa women’s basketball ng SEA Games nang kanilang igupo ang Thailand, 91-71.
Hindi naman binigo ng Gilas men’s team ang mga Pinoy basketball fans nang kanilang makopo ang ika-13 sunod na SEA Games title at ika-18 overall sapul noong 1977 matapos igupo ang Thailand, 115-81.
Pinangunahan ni Jack Animam ang womens squad na tumapos ng 21 points sa kanyang 9-for-10 shooting clip bukod pa sa five rebounds at two blocks habang si June Mar Fajardo ang nagbida sa men’s team sa kanyang 17 points at 13 rebounds.
Sa kabuuan, na-sweep ng Pinas ang apat na gold sa basketball competition matapos ang nauna nang tagumpay sa men’s at women’s 3x3 teams.
Samantala, nakopo naman ng Vietnam ang bronze medal matapos talunin ang Indonesia para sa third place, 86-71. FJ
- Latest