MANILA, Philippines – Muling sumandal ang defending champion Armed Forces of the Philippines (AFP) Cavaliers sa mainit na shooting ni Boyet Bautista upang igupo ang Malacañang-Philippine Sports Commission Kamao, 77-65 para makopo ang outright semis berth sa 8th UNTV Cup nitong weekend sa San Juan City gym.
Humakot ang 5’7 na dating Letran star ng 24 points, lahat ay mula sa three-point zone bukod pa sa five boards, three steals at two assists sa pagbangon ng Cavaliers sa nakaraang pagkatalo sa Judiciary.
Sa kanilang pagsulong sa 7-1 record, diretso sa semis ang Cavaliers kahit matalo sa kanilang huling laro sa second round ng elims dahil bumagsak ang Kamao sa 5-3 na katabla ang National Housing Authority.
Nangunguna pa rin ang Newcomer Department of Environment and Natural Resources sa standings sa kanilang imakuladang 6-0 record sa event na inorganisa ni UNTV President at CEO Dr. Daniel Razon para sa mga public servants.
Patuloy sa pagbangon ang Judiciary Magis nang kanilang igupo ang PhilHealth Plus, 112-86 para makisalo sa fifth to se-venth places sa Department of Agriculture at PITC.