CLARK, Philippines — Matapos mabigo sa recurve event ay pumana naman ng gintong medalya ang mag-asawang Paul Marton at Rachelle Anne Dela Cruz sa mixed compound ng archery competition sa 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Parade Grounds.
Tinakasan ng mag-asawang Dela Cruz sina Van Day Nguyen at Kieu Oanh Chau ng Vietnam, 148-147, sa finals ng mixed team compound category.
Ang ginto ang nag-iisang medalya ng bansa sa archery event na dinomina ng Vietnam at Thailand, humakot ng tig-tatlong gold medal sa recurve at compound categories.
Inangkin naman ng Indonesia ang bronze medal matapos ungusan ang Malaysia, 152-150, sa mixed compound.
Huling kumolekta ng gintong medalya ang mga Filipino archers noong 2013 edition sa Myanmar galing sa men’s compound team nina Earl Benjamin Yap, Ian Patrick Chipeco at Delfin Anthony Adriano.
Isang pilak at apat na tansong medalya ang napana ng bansa noong 2017 SEA Games sa Malaysia.
Samantala, minalas naman sina Rachelle Ann Dela Cruz, Andrea Lucia Robles at Abbigail Tindugan na makuha ang bronze medal matapos yumukod kina Kieu Oanh Chau, Phuong Le Thao at Vy Tuong Nguyen ng Vietnam sa women’s team compound.
Ang Thailand ang kumolekta sa gold via 221-217 win laban sa Indonesia.