2-ginto sa windsurfing

SUBIC, Philippines — Umarya pa sa dagdag na tatlong medalya ang Pilipinas sa windsurfing at sailing dito sa Subic cluster para dagdagan ang kaban ng Team Pinas sa 30th SEA Games dito.

Dalawang ginto ang naisukbit ng Filipino windsurfers habang isa naman ang sinungkit ng Filipino sailers sa pagtatapos ng water sports dito.

Wagi ang two-time world champion na si Geylord Coveta sa men’s windsurfing RS: One event matapos kumolketa ng 18.0 puntos sa 12-leg race upang ungusan sina Illham Wahab (30.0) ng Malaysia at Navin Singsart (36.0) ng Thailand na nagkasya sa segunda at tersera puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Sumunod naman agad si Yancy Kaibigan na dinomina rin ang men’s windsurfing RS: X (9.5M) event nang makalikom ng 19.0 points upang lagpasan sina Natthaphong Phonoppharat (21.0) ng Thailand at Abdul Hadi Kame Ahmad Danish (35.0) ng Malaysia na nag-uwi lang ng silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.

Samantala, pilak na medalya lamang ang inabot ni Charizzanne Jewel Napa sa women’s under-19 windsurfing RS: X (8.5) sa likod ng champion na si Nenni Marlini ng Indonesia.

Sa sailing, pinangunahan ng kapitan na si Joel Mejarito ang six-man Philippin sailors upang walisin ang Singapore sa final ng keelboat match racing FE28R mixed, 2-0.

Kasali rin sina Ridgely Ballada-res, Rubin Cruz Jr., Whok Dimapilis, Richly Magsanay at Edgar Villapaña sa Philippine team na dinispatsa ang Malaysia sa semis, 2-0.

Ang Thailand naman ang puma-ngatlo sa naturang event matapos ang dikit na panalo kontra sa Malaysians.

Sa kabuuan, nakapag-uwi ng dalawang ginto ang Philippine sailing team matapos din ang panalo nina Lester Troy at Emerson Villena sa men’s international 470 race kamakalawa.

Sina Rhegielyn Boyano at Coleen Jem Ferrer naman ay nagkasya lang sa silver sa women’s under-19 international 420 race habang tanso lang ang inabot nina Brandhon Kyriellle and Jericko Marbella sa men’s U19 division.

Show comments