CLARK, Philippines — Nagdeliber naman ng tatlong gold ang jiu-Jitsu team sa pangunguna ni world champion Margarita “Meggie” Ochoa at nag-ambag uli ang athletics sa paghahakot ng gold ng Pinas sa Clark cluster ng 30th Southeast Asian Games.
Pinitas ni Ochoa ang gold medal sa women’s 45-kilogram ng jiu-jitsu competition matapos talunin si Le Dao ng Vietnam kahapon dito sa Laus Group Event Center.
Ang 28-anyos na si Ochoa ang kauna-una-hang Pinay na nagreyna sa World Jiu-Jitsu Championship noong 2018 matapos biguin si Ni Ni Vicky Hoang ng Canada sa women’s seniors 49km class.
Nagdagdag naman ng gintong medalya sa kanilang mga events sina Dean Michael Roxas at Carlo Peña.
Dinaig ni Roxas si Benjamin Jie Jun Chia via submission sa finals ng men’s 85kg, samantalang sinapawan ni Peña si Rengga Richard ng Indonesia sa men’s 56kg category.
Samantala, anim pang gintong medalya ang nakataya sa huling araw ng kompetisyon ngayon.
Sa New Clark City Stadium, muling nagdeliber ang athletics nang itakbo ni Clinton Kingsley Bautista ang gold medal sa men’s 110n hurdles mula sa kanyang bilis na 13.97 para talunin sina Wan Sofian Rayzam Shah (13.97) ng Malaysia at Xaysa Anousone (13.99) ng Laos.
Tinumbasan ito ni Melvin Calano nang maghari sa men’s javelin throw mula sa kanyang ibinatong 71.25m.
Tinalo ni Calano sina Abd Hafiz (69.42m) ng Indonesia at Hoai Van Nguyen (68.88m) ng Vietnam.
Sa Parade Grounds, mabigo man sa recurve event ay pumana naman ng gintong medalya ang mag-asawang Paul Marton at Rachelle Anne Dela Cruz sa mixed compound ng archery event.
Tinakasan ng mag-asawang Dela Cruz sina Van Day Nguyen at Kieu Oanh Chau g Vietnam, 148-147, sa finals ng mixed team compound category.
Samantala, minalas naman sina Rachelle Ann Dela Cruz, Andrea Lucia Robles at Abbigail Tindugan na makuha ang bronze medal matapos yumukod kina Kieu Oanh Chau, Phuong Le Thao at Vy Tuong Nguyen ng Vietnam sa women’s team compound.