Tagumpay ng Philippine Athletes, tagumpay ng Pinoy, tagumpay ng buong sambayanang Pilipino
SUBIC, Philippines — Ang maidaos ng maayos ang ika-30th edisyon ng Southeast Asian Games ay maituturing nang malaking tagumpay para sa Pilipinas.
Ito na ang pinakamalaking edisyon ng multi-event competition na idinaraos tuwing ikalawang taon dahil kabuuang 56 sports discipline ang inilatag ng Pinas, ang pinakamalaki sa kasaysayan ng SEA Games kung saan 530 gold medals ang pinaglalabanan.
Karaniwang hanggang 36-40 sports lamang ang isinasama sa calendar of events.
Ngunit kung magiging overall champion uli ang Team Philippines, isang magandang Pamasko ito sa sambayanang Pilipino.
At tila ito ang tinatahak ng Team Philippines dahil matapos ang anim na araw na kompetisyon, umabot na sa 70 gintong medalya ang hinakot ng Pinoy Athletes.
Nanguna sa paghahakot ng ginto ng Pinas tampok ang arnis at dancesports habang nagpasikat din ang mga wushu artists at ang mga bagong saltang Phl obstacle course team.
Kumolekta ang mga Pinoy arnisador ng 14 sa kabuuang 20 gold medals na itinaya sa arnis competition na idinaos sa Angeles University Foundation.
Ang huling dalawang gintong medalya ay nanggaling kina Crisamuel Delfin at Mary Allin Aldeguer sa men’s at women’s anyo non-traditional open weapon, ayon sa pagkakasunod.
Bukod sa 14 golds ay nagbulsa rin ang mga Pinoy ng apat na silver at dalawang bronze medals.
Dinomina nina Dexler Bolambao (bantamweight), Niño Mark Talledo (featherweight), Villardo Cunamay (lightweight) at Mike Bañares (welterweight) ang apat na ginto sa men’s livestick.
Nagdagdag naman ng gold medal si Jezebel Morcillo (bantamweight) sa women’s livestick kung saan tatlo ang inangkin ng Vietnam.
Winalis din ng mga Pinay ang women’s padded stick mula sa mga panalo nina Sheena Del Monte (bantamweight), Jedah Mae Soriano (featherweight), Ross Ashley Monville (lightweight) at Abegail Abad (welterweight).
Tatlong gold medals ang iniambag nina Elmer Manlapas (featherweight), Jesfer Huquire (bantamweight) at Carloyd Tejada (welterweight) sa men’s padded stick.
Sampung gold medals naman ang inangkin ng mga Pinoy sa dancesports event na idinaos sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga na tinampukan ng tatlong ginto nina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Nualla sa Tango, Viennese Waltz at All Five Standard.
May tatlong gold medals din sina Wilbert Fajardo at Pearl Marie Cañeda sa Samba, Rumba at Chachacha.
Nagdagdag naman ng tigalawang ginto sina Michael Marquez at Stephanie Sabalo sa Paso Doble at All Five Latin Dances at sina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen sa Waltz at Foxtrot.
“Siyempre, kasi for us, gusto namin i-prove na ang dancesport kayang kumuha ng maraming gold and well na-prove namin na nakakuha kami ng gold,” ani Marquez.
Sa wushu sa World Trade Center sa Pasay City, muling napasakamay ng mga Pinoy ang overall title nang kumolekta ng kabuuang 7 gold, 2 silver at 2 bronze medals.
Kumolekta si Agatha Wong ng dalawang ginto sa women’s taijijian (straight sword form) at tajiquan (form) events.
Nagdagdag naman ng lima sina Divine Wally, Jessie Aligaga, Arnel Mandal, Francisco Solis at Clemente Tabugara Jr.
Isa pang babaeng double gold medalists tulad ni Wong ay ang Navy personel na si Marly Martir na nanguna sa Philippine Women’s Shooting Team sa pagkopo ng dalawang gold medals sa Marine Corps Training Center sa Taguig.
Unang inasinta ni Martir ang individual honors WA 1500 PPC event sa kanyang 1450-60x para sa gold bago ito nakipagtulungan kina Franchette Quiroz (4th-1441-48x) at Elvie Baldivino (9th-1429-53x) para sa team event gold.
Hindi rin nagpahuli sina 2016 Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz, 2018 Asia Games gold medal winner Margielyn Didal at 2019 World Gymnastics champion Carlos Edriel Yulo sa kanilang mga events.
Binuhat ni Diaz ang gold medal sa women’s 55-kilogram sa women’s weightlifting, habang nagwagi si Didal sa women’s Game of S.K.A.T.E. ng skateboarding event.
Inangkin naman ng 19-anyos na si Yulo ang mga gintong medalya sa men’s floor exercise at all-around events sa artistics gymnastics at nagdagdag ng limang pilak mula sa vault, parallel bars, horizontal bar, pommel horse at still rings.
Bumida rin sina rookie CJ Perez, Chris Newsome, Jason Perkins at Moala Tautuaa nang walisin ang men’s 3x3 basketball para ibulsa ang gintong medalya na nakamit din ng mga Pinay cagers sa women’s division.
Inaasahan namang makukuha ng Gilas Pilipinas ni coach Tim Cone ang ika-18 korona sa men’s basketball competition.
Hangad ng Pilipinas na muling mapasakamay ang overall championship ng SEA Games matapos magkampeon noong 2005 edition na idinaos sa Manila.
- Latest