MANILA, Philippines — Pride ang ipinaglalaban ng Gilas Pilipinas sa men’s 5x5 basketball competition kung saan hangad nila ang ika-13 sunod na titulo sa 30th Southeast Asian (SEA) Games sa pagdribol kahapon ng aksiyon sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Unang nakabangga ng Gilas ang 2013 at 2015 SEA Games bronze medalists Singapore kagabi.
Bagama’t halos batikang manlalaro ang kinuha ni Gilas head coach Tim Cone para sa Nationals at lahat ay may karanasan na pagdating sa international competition ay maraming naging aberya sa koponan.
Bago pa man pangalanan ang Gilas final 12 ay nasibak sa line-up ang beteranong si Jayson Castro dahil sa right calf soleus muscle strain na ininda nito noong Oktubre na sinundan ng pagkawala ni Roger Pogoy dahil naman back injury na tinamo nito sa kasagsagan ng PBA quarterfinals.
Pero kahit nawala ang mabiblis at maliliksing guwardiya ng pambansang koponan ay agad nagawan ito ng paraan nang tapikin ni Cone ang serbisyo ni Barangay Ginebra center Greg Slaughter bilang katuwang ni five-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.
Patutunayan ng Pilipinas kung bakit sila ang nag-iisang hari sa 5x5 men’s basketball sa buong rehiyon sa tangkang ika-18 gintong medalya sa 20 beses na pagtatanghal ng basketball competition.
Samantala, bubuksan naman ni Janine Pontejos at buong Gilas women’s ang kampanya nito sa 5-on-5 women’s basketball ngayon kontra Indonesia at pipilitin nitong masundan ang tagumpay na inumit nito sa 3x3 tournament kamakailan.