ANGELES CITY, Pampanga, Philippines — Nilampasan ng Philippine arnis team ang nakuhang gintong medalya ng dancesports squad sa pagkopo ng kabuuang 12 gold medals matapos ang dalawang araw ng aksiyon ng arnis competition sa 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Angeles University Foundation.
Matapos humakot ng limang gold sa pagbubukas ng kompetisyon kamakalawa, pitong golds ang isinubi ng Phl Arnis team na nagdomina ng padded stick event kahapon sa pangunguna ni Elmer Manlapas.
“Marami kaming sakripisyong pinagdaanan. Maganda naman ang naging resulta,” wika ni Manlapas na nanaig kay Duc Tri Nguyen ng Vietnam sa finals ng featherweight class.
Nagbigay din ng gold medal sina bantamweight Jesfer Huquire at welterweight Carloyd Tejada matapos talunin sina V?n Công Qu?c at V??ng Thanh Tùng ng Vietnam, ayon sa pagkakasunod.
Kumuha rin ng mga gold medal sa kanilang mga events sina bantamweight Sheena Del Monte, featherweight Jedah Mae Soriano, lightweight Ross Ashley Monville at welterweight Abegail Abad.
Binigo ni Del Monte si Nguyen Thi Huong ng Vietnam, tinalo ni Soriano si Oo Maw Maw ng Myanma, iginupo ni Monville si Aye Moe Moe ng Myanmar at pinabagsak ni Abad si Nguyen Thi Huc ng Vietnam sa gold medal round.
Kumubra ang Team Philippines ng 12 gold, 2 silver at 2 bronze medals kasunod ang Vietnam (3-8-5), Cambodia (1-2-13) at Myanmar (0-4-12).
Sina bantamweight Dexler Bolambao, fea-therweight Niño Mark Talledo, lightweight Villardo Cunamay at welterweight Mike Bañares ang unang kumuha ng apat na gintong medalya sa livestick event.
Bibitawan ngayong araw ang mga labanan sa Non-traditional Open Weapon at Traditional Open Weapon.
Naka-gold din ang men’s pair nina Rodel Labayo at Angelo Morales sa lawn ball sa Clark Global City matapos talunin sina Woramet Singkeaw at Uthen Ontong ng Thailand, 19-11.