MANILA, Philippines — Bagong four-year term ang nakuha ni Philippine Football Federation (PFF) president Mariano “No-nong” Araneta matapos manalo sa isinagawang eleksiyon ng asosasyon kahapon sa Century Park Hotel sa Manila.
Nakakuha ng 23 boto si Araneta – malayo ng 12 botong nakolekta ng karibal na si Negros Occidental Football Association president Ricky Yanson.
Nais ni Araneta na kalimutan na ang mga sagutang naganap ilang araw bago ang eleksiyon. Panahon na para pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas sa programa sa football sa bansa.
“Rest assured, we will do better and we will move on as one. I enjoin everyone to unite for the good of Philippine football. I am extending my hand to my opponent so we can bring football further,” ani Araneta na kasamang nanalo si Cotabato Mayor Joselito Piñol bilang vice president.
Ipinangako ni Araneta na palalawakin nito ang grassroots development program sa iba’t ibang panig ng bansa. Palalakasin rin nito ang Philippines Football League (PFL) na magiging daan upang makapagtaguyod ng mas malawak na youth at age-group tournaments.
Isasagawa rin ang mga age-group tournaments sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Maluwag naman na tinanggap ni Yanson ang pagkatalo.
Nangako rin ito na ipagpapatuloy ang programa nito para sa mga kabataan at ang solidong suporta sa mga programa para sa Philippine Football.
“I graciously acknowledge the victory of Mr. Mariano “Nonong” Araneta and sincerely wish him well as the new president of the Philippine Football Federation. I will continue to help Philippine Football through the “Football Para Sa Lahat” advocacy,” ani Yanson.