MANILA, Philippines — Kumpirmado na ang pagdalo ni Brunei Sultan Haji Hassanal Bolkiah sa opening ceremonies ngayong araw sa 30th Southeast Asian Games sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sabi ni Philippine Sea Games Organizing Committee (Phisgoc) chief operating officer (COO) Ramon “Tatz” Suzara na ang 73-anyos na si Bolkiah ang tanging Head of State mula sa 11-bansa ng Southeast Asia ang dadalo upang manood sa inaasahang makulay at nakasasabik na pagbukas ng Sea Games.
Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang magbubukas sa Sea Games sa harap ng mga opisyales at mga atleta na sasabak sa 56 sports disciplines at mahigit 530 gintong medalya ang nakataya sa 12-araw na kumpetisyon.
Ayon pa kay Suzara, dalawang mga opisyales mula sa International Olympic Committee (IOC) at dalawa rin mula sa Olympic Council of Asia ang darating para mag-obserba sa pagdaraos ng 2019 edisyon ng Sea Games na tinaguriang “The Olympic” of South East Asia.