AFP, DENR ‘di matinag sa UNTV Cup
MANILA, Philippines — Nagsaslpak si dating Letran star Boyet Bautista ng limang triples para akayin ang nagdedepensang Armed Forces of the Philippines sa 86-84 paggupo sa National Housing Authority sa 8th UNTV Cup sa San Juan City gym.
Ito ang ikaanim na sunod na pananalasa ng Cavaliers.
Tumipa ang 5-foot-6 na si Bautista ng 5-of-6 shooting sa 3-point area para tumapos na may 17 points sa 6-0 record ng AFP sa Group A.
Pinamunuan ni Jerry Lumongsod ang Cavaliers sa kanyang 19 points, habang may 15 at 11 markers nina Rolando Pascual at Romeo Almerol, ayon sa pagkakasunod.
Pinalakas ng AFP ang kanilang tsansa para sa isang outright semifinals berth sa annual tournament para sa mga public servants.
Pinatumba naman ng Department of Environment and Natural Resources ang Department of Agriculture, 94-85, sa Group B sa torneong inorganisa ni UNTV President at CEO Daniel Razon.
Dumiretso ang DENR Warriors sa kanilang ikaanim na dikit na ratsada sa Group B.
Samantala, humugot naman ang Malacañang-Philippine Sports Commission ng produksyon mula kina Erick dela Cuesta, Martin Antonio at Visnu Das Javier para talunin ang PhilHealth, 98-81, at ilista ang 5-1 marka.
Umiskor si Dela Cuesta ng 20 points para sa Kamao at nagdagdag sina Antonio at Javier ng 16 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest