MANILA, Philippines — Bukod sa inaasam na podium finish ng Philippine national beach volleyball team sa 30th Southeast Asian Games ay target din nilang makuha ang tiket sa 2020 Asian Volleyball Confederation (AVC) Continental Cup Finals.
Walang humpay ang pagsasanay ng national women’s at men’s teams para sa kanilang pinakahihintay na pagsalang sa biennial meet na hahataw sa Biyernes sa Subic Tennis Court.
Ayon kay team manager Charo Soriano, nasa Subic na ang pambansang koponan noon pang Biyernes para sa kanilang paghahanda at pagsasanay.
“We are fortunate to be able to be at the venue early and we are scheduling training both in the morning and in the evening so the athletes can get used to the sand and lighting conditions,” sabi ni Soriano.
Ibabandera nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons, Dzi Gervacio at Dij Rodriguez ang women’s squad at sina Edmar Bonono at Jude Garcia at Jaron Requinton at James Buytargo ang maglalaro sa men’s division.
Nakipagsabayan ang Nationals sa mga foreign teams sa 2019 Rebisco Beach Volleyball International Open sa SM By The Bay sa Pasay City.
Magsisilbing Southeast Asian Zonal qualifier ng AVC Continental Cup ang SEA Games kung saan ang gold medalist ay diretso na sa third phase (Finals).
Ang magkakampeon sa torneo ay papasok sa 2020 Tokyo Olympics.