MANILA, Philippines — Tiwala si Philippine Football Federation president Nonong Araneta sa national football teams na maganda ang ipapakita sa 30th Southeast Asian Games na magsisimula ngayon sa Rizal Memorial Stadium.
Naniniwala si Araneta, nakapaglaro sa SEA Games tournaments mula 1977 hanggang 1983, na ang Young Azkals at Malditas ay armado ng sapat na preparasyon para makapagbigay ng magandang laban.
Ang una at tanging medal ng Pinas sa naturang sport ay nakamit 34-taon na ang nakakaraan sa Thailand nang makopo ng women’s team ang bronze medal dahil tatlong bansa lamang ang lumahok.
Maganda ang tsansa ng team ngayong taon at inaasahan ni Araneta ang breakout performances mula sa ilang homegrown standouts.
Mangunguna sa 20-man team si Azkals team captain Stephan Schrock kasama ang anim na senior team na magpapalakas ng kampanya ng koponan.
Ang Ateneo star na si Jarvey Gayoso ay kasama sa team na kinabibilangan din nina San Beda standouts Mar Diano, Michael Asong at Jerome Marzan, habang ilan sa mga homegrown stars ay sina Marco Casambre, Pocholo Bugas, Troy Limbo at Mariano Suba.
Binisita ni Araneta ang Young Azkals sa kanilang training sa Rizal Memorial Stadium noong Sabado at nagbigay ng impromptu pep talk kung saan pinasalamatan ang mga players sa kanilang hirap at pagod.
“As an athlete, there is no greater honor than representing the country,” sabi ni Araneta na hindi rin binalewala ang mga player na hindi napabilang sa pambansang koponan.
“You wear the flag of the Philippines with pride,” dagdag ni Araneta. “I know that you’re prepared and we expect you to give everything for the country because you are playing at home. I’m confident you’ll do well. We thank you for your sacrifice.”