Aces kinumpleto ang quarterfinals cast
MANILA, Philippines — Buo na ang eight-team quarterfinal round at hindi na kailangan ng playoff para sa No. 8 spot.
Inangkin ng Alaska ang kanilang ikaapat na sunod na ratsada matapos talunin ang NLEX, 106-90, papasok sa quarterfinals ng 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
“I challenged them to be playoff ready this week in practice,” sabi ni coach Jeffrey Cariaso sa kanyang mga alagad.
Kumolekta si import Franko House ng 24 points, 8 rebounds at 5 assists para sa pang-limang panalo ng Aces katabla ang NorthPort Batang Pier.
Ngunit dahil sa ‘win-over-the-other’ rule ay napitas ng Alaska ang No. 7 seat at inihulog ang NorthPort sa No. 8.
Tinalo ng Aces ang Batang Pier, 106-99, noong Nobyembre 3.
Sa quarterfinals ay may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1, 2, 3 at 4 teams laban sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod.
Sisimulan ang quarterfinals sa Linggo.
Nagdagdag sina JVee Casio, Abu Tratter at Kevin Racal ng tig-12 markers para sa Alaska, habang may tig-10 markers sina Vic Manuel at Robbie Herndon.
Binanderahan naman ni import Manny Harris ang Road Warriors, nalasap ang ikalawang dikit na kabiguan, sa kanyang 22 points kasunod ang 17 markers ni JR Quiñahan.
Samantala, pinatawan ng San Miguel ng indefinite suspension sina Arwind Santos, Kelly Nabong at Ronald Tubid.
Ito ay dahil sa nangyaring suntukan nina Nabong at Tubid dahil mula sa komprontasyon nina Santos at sinibak na si import Dez Wells.
“While the conflict has been resolved, and the incident occurred away from the public eye, the San Miguel organization does not tolerate unsportsmanlike behavior,” ang inilabas na official statement ng SMC.
- Latest