MANILA, Philippines — Isang crossover laban kay Meralco guard Anjo Caram kasunod ang looper kontra kay import Allen Durham.
Isa lamang ito sa mga ginawang tirada ni Rey Nambatac sa dulo ng fourth quarter para ihatid ang Rain or Shine sa 83-81 pagtakas sa Meralco sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Nambatac na may 24 points mula sa 10-of-13 fieldgoal shooting para sa ikalawang sunod na panalo ng Elasto Painters at ilista ang kanilang 4-7 record.
Natapos naman ang five-game winning streak ng Bolts, may bitbit nang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals, para sa kanilang 8-3 marka.
“Para sa akin puso lang talaga at nandoon ang willingness na manalo, kaya siguro nakuha namin ang panalong ito,” sabi ni Nambatac sa pag-asa ng Rain or Shine na makasama sa eight-team quarterfinals.
Para makapasok sa quarterfinals ay kailangang ipanalangin ng tropa ni coach Caloy Garcia na matalo ang NorthPort sa Barangay Ginebra at mabigo ang Alaska sa NLEX.
Kinuha ng Meralco ang 13-point lead, 67-54, mula sa split ni Raymond Almazan sa huling 2:07 minuto ng third quarter.
Naghulog naman ang Rain or Shine ng 11-0 bomba sa pamumuno nina import Richard Ross, Kris Robles at Mark Borboran para agawin ang 71-69 bentahe sa 6:21 minuto ng fourth quarter.
Naitabla Durham ang Bolts sa 71-71 at humataw naman si Nambatac para ilayo ang Elasto Painters sa 82-77 sa huling 1:28 minuto ng bakbakan.
Muling nakadikit ang Meralco sa 81-82 mula sa dalawang free throws ni Durham at follow-up ni Almazan sa nalalabing 46.3 segundo.
Ang split ni big man Jewel Ponferada ang nagbigay sa Rain or Shine ng 83-81 abante sa nalalabing 34.3 segundo.
Ngunit nabigo naman sina Durham at Almazan na maitabla ang Bolts sa kanilang huling posesyon na sumelyo sa panalo ng Elasto Painters.
Umiskor si Ross ng 26 points para pamunuan ang Rain or Shine.
Tumipa naman si Durham ng 23 markers sa panig ng Meralco.