SMB-Alab makikilatisan sa ABL opening ngayon
MANILA,Philippines — Makikilatisan na ngayon ang bagong bihis na San Miguel–Alab Pilipinas sa pagsisimula ng kanilang kampanya kontra sa Mono Vampire sa paglarga ng 2019-2020 ASEAN Basketball League season ngayon.
Bibida sa bagong Alab si Jason Brickman na makakaharap ang kanyang dating koponan sa alas-4 ng hapon sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand.
Makakasama ni Brickman ang tatlong world imports ng Alab na sina dating NLEX import Adrian Forbes, Khalif Wyatt at Nick King.
Si King ang pumalit kay resident Alab import at dating ABL Defensive Player of the Year na si Renaldo Balkman na kinailangang bumalik muna sa Puerto Rico bunsod ng problema sa pamilya.
Bukod sa tatlong pambatong reinforcements, sasandal din si coach Jimmy Alapag kay sniper Jeremiah Gray gayundin sa iba pang bagong manlalaro na sina Jordan Heading, Aaron Aban, Louie Vigil, Andrei Caracut at Tzaddy Rangel.
Tanging sina Brandon Rosser at Lawrence Domingo lamang ang holdovers mula sa last season roster ng Alab na bigong madepensahan ang titulo matapos ang ‘di inaasahang quarterfinal exit.
Ito rin ang unang season simula noong 2016 na hindi makakasama ng Alab ang three-time MVP na si Ray Parks Jr. na umakyat na sa PBA ngayon. Kasalukuyan siyang naglalaro para sa Talk ‘N Text matapos ang trade mula sa Blackwater na pumili sa kanya bilang 2nd overall pick sa 2018 PBA Rookie Draft.
Sa kabila ng bagong buong koponan, tiwala si Alapag na malaki ang tsansa ngayon ng Alab na mabawi ang ABL title na napanalunan nila ng 2018 lalo’t ga-ling sila sa solidong preparasyon.
Kinatampukan ang paghahanda ng Alab ng pares ng tune-up games kontra sa Gilas Pilipinas na naghahanda naman para sa 30th Southeast Asian Games.
Kinapos ang Alab kontra sa Nationals sa unang laban, 95-98 bago makaganti tangan ang 93-89 tagumpay.
Sa panig naman ng Mono Vampire, naatasang trumangko si Thai-American Tyler Lamb, Chitchai Ananti, Moses Morgan, Ryan Watkins at dating PBA import na si Mike Singletary.
- Latest